Kung tatanungin ako sino siya sa buhay ko, ang isasagot ko
ay isang mahabang katahimikan at matagal na buntong hininga. Ipagmamalaki o
itatanggi ko ba siya? Hindi ko alam kung anong pang-uri ang gagamitin para
ipakilala siya.
Maraming nangyari. Sa kanya. Sa akin. Sa “amin”. May masaya,
malungkot, nakakatawa, sangkatutak na awkward, may mga pagtatalong naresolba at
hindi. Pero pinakamarami ang hindi maipaliwanag.
Magandang simula. “Anyareng” katapusan. Hanggang ngayon
malaking question mark pa rin sa akin bakit nagkaganon. Pero nung panahon ata
na nagsimula akong magtanong sa kanya, sa Kanya at sa sarili ko, usong uso ata
ang rhetorical questions. Ngayon, uso naman ata ang mga tanong na hindi na
tinatanong. Hindi dahil sa walang sagot kundi hindi na dapat sagutin pa.
Naglalaro pa rin sa isip ko yung capital P. “PAANO”. Paano
kung magkita ulit kami. Paano kung magkausap ulit. Paano kung mabalik yung
dati. Paano kung masagot na yung mga tanong na sya ang bumuo pero ako ang
humahanap ng sagot. Paano kung siya pa rin pala. Pero paano rin kung hindi pala
talaga. Sayang naman yung mga paano na yun. Sayang naman yung pagcapitalize ko
sa Paano.
